0
Nang si Santa Monica ay nasa bingit na ng kamatayan, nagbilin siya ng ganito kay San Agustin na kanyang anak: Ilibing mo ang aking bangkay kung saan mo naisin. Huwag mong alalahanin ang pagpaparangal sa aking bangkay. Iisa lang ang hiling ko sa iyo. Huwag mo akong kalilimutan sa altar sa bawat sandali ng Misa.

Ang paglilibing sa yumao ay gawaing banal para sa mga Kristiyano. Hindi mahalaga kung saan. Bagama't ang paglilibing sa bangkay ng yumao ay tungkulin ng mga naiwanan dito sa lupa, ang higit na mahalaga ay ipanalangin ang kaluluwa ng mga yumao. Hanapin natin ang gantimpala sa langit, hindi ang parangal sa libingan.

Si Hesukristo ay inilibing sa libingang ipinahiram lamang sa kanya, subalit siya ang pinakadakila sapagkat inialay niya ang buong buhay para sa mundo.

Ang pinakamahalagang parangal sa yumao ay hindi isang magandang puntod. Mas mahalaga ang panalangin kaysa sa marangyang libingan.

Ang parangal sa yumao ay iginagawad nang kusa, hindi pinagpipilitang ibigay. Ang parangal sa yumao ay hinihintay na ipagkaloob, hindi ipinaglalaban na makuha kahit ano ang mangyari. Ang tunay na marangal ay hindi natatakot sa liwanag ng katotohanan, hindi nagtatago palihim. Ang parangal sa patay ay biyaya ng bayan, hindi bunga ng labanan ng abugado. Ang parangal na pinilit ay mapakla. Ang parangal na ipinagpilitang makuha ay nakakasuka.

Nananawagan ako sa pamilya ng yumaong Ferdinand Marcos. Huwag sanang gamitin ng mga buhay ang bangkay ng yumao para sa kani-kanilang pangarap at ambisyon. Sa katayuan ng yumaong Ferdinand Marcos, hindi na niya kailangan ang parangal sa libingan. Ang kailangan niya ay dasal. Hindi madaragdagan ang kanyang kapayapaan sa kabilang buhay sa pamamagitan ng puntod sa Libingan ng mga Bayani.

Handang magpatawad

Para sa mga pamilyang naiwanan, ang dapat gawin ay ihingi ng tawad ang kasalanan ng yumao. Lahat naman ng yumao ay nangangailangan ng kapatawaran. Ibalik ang ninakaw na mana. Iwasto ang pagkakamali. Ang awa ng Diyos ay naghihintay sa lahat ng taong mababang loob at nagsisisi.

Ang bayang nagra-rally ay handa namang magpatawad, bakit hindi? Subalit ang pagpapatawad ay hindi maaaring pagpapaubaya sa masama; hindi pagyakap sa pananakit at pandarambong. Ang pagbabayad-pinsala sa masama; ang kabayaran sa pinsala; ang paghingi ng tawad sa kasalanan – ang mga ito ay kailangan upang mapatawad, wika ni San Juan Pablo II.

Ang paglimot sa kahapon ay isang malaking kakulangan ng ating panahon. Kailangan nating alamin ang kahapon upang maitaguyod ang makabuluhang kinabukasan, sabi naman ni Pope Francis.

Bayan ang humihirang sa bayani, hindi ang libingan. Ang tunay na bayani ay bayani kahit saan ilibing. Ang huwad ay huwad kahit igawa ng monumento

Mga kabataan, alamin ninyo ang kasaysayan. Huwag magpalinlang sa mga may masamang pangnanasa na pagandahin ang pangit at madilim na nakalipas. Magbantay laban sa sinungaling! Manalangin at manindigan.


ADVERTISEMENT






SPONSOR





Source: rappler

Share this story!

Visit and follow our website: Duterte News Global

© Duterte News Global

Share to Facebook Share to Twitter

Post a Comment

 
Top